Nuggets pinigil ang Thunder
DENVER--Gumawa ng 15 sa kanyang 26 puntos si Corey Brewer sa ikaapat na yugto habang nailusot ni Kenneth Faried ang panlamang na lay-up sa overtime upang malusutan ng Denver Nuggets ang Oklahoma, 121-118, at wakasan ang six-game winning streak ng Thunder.
Umakyat sa 3-0 ang Nuggets karta kapag ang kanilang laro ay umaabot sa overtime at nakuha ito ng home team kahit ang mga stars ng Thunders na sina Kevin Durant at Russel Westbrook ay tumapos taglay ang 37 at 36 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Naisablay naman ni Durant ang sana’y panablang tres sa huling 4.5 segundo at ang Thunders ay nakasalo ngayon sa Los Angeles Clippers na may best record na 32-9.
Emosyonal na laro ito para kay Oklahoma coach Scott Brooks dahil kasama siya ng koponan kahit nagdadalamhati dulot ng pagkamatay ng kanyang 79-anyos na ina na si Lee noong Sabado.
Sa Toronto, may 22 puntos at 9 assists si Jose Calderon habang season-high na 18 puntos at 10 boards ang ginawa ni Landry Fields para tulungan ang Raptors na ipatikim sa Los Angeles Lakers ang ikalimang sunod na road loss sa 108-103 panalo.
Tumapos si Kobe Bryant bitbit ang 26 puntos habang 25 ang ibinigay ni Pau Gasol pero ang sentrong si Dwight Howard ay mayroon lamang limang puntos sa 17 minutong pagÂlalaro matapos mapatalsik sa 1:18 ng second period dahil sa kanyang ikalawang technical foul.
Nakabawi ang Dallas sa pagkatalo sa overtime sa Oklahoma sa huling laro nang daigin ang Orlando,111-105, habang tinambakan naman ng Detriot ang Boston, 103-88, sa isa pang laro.
- Latest