MVP ‘di interesado sa POC presidency
MANILA, Philippines - Kung ninais niya ang puwesto, si Manny V. Pangilinan sana ang mangunguna sa pagpapatakbo ng palakasan ng bansa sa 2013.
Pero mas marami pang bagay ang para sa kanya ay mahalaga kaya’t isinantabi ang panawagan na siya na ang maupo bilang pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC).
Tulad sa negosyo, si Pangilinan ay maimpluwensya pa rin sa larangan ng palakasan sa 2012 at patunay dito ay ang paglapit sa kanya ng mga taong nagnanais ng reporma sa palakasan ng bansa upang lumahok sa POC election na ginawa noong Nobyembre 30 sa Alabang Country Club.
Si MVP ang sinipat dahil siya ang pangulo ng basketball at chairman din ng boxing, dalawang dambuhalang sport na tinitingala rin sa Olympics. May iba pang palakasan siyang sinusuportahan gamit ang MVP Foundation na patunay na bukal sa kanyang loob ang pagtulong sa sports.
Sa kaagahan ng taon ay naghayag agad si MVP na walang interest na sumali sa politika ng POC.
Ngunit noong lumalapit na ang eleksyon na itinakda noong Nobyembre 30 at dumami ang mga nag-uudyok sa kanya na tumakbo ay pinaunlakan niya ang imbitasyon.
Paunlak sa pamamagitan ng pagtanggap sa mga katunggali ni Cojuangco na makaharap siya sa isang hapunan upang alamin din kung ano ang kanilang intensyon sa pagbabago at personal ding makita kung gaano kalakas ang grupong kumukumbinsi sa kanya.
Matapos ang pagpupulong ay nagdesisyon na si Pangilinan na isantabi sa ngayon ang pagnanais na makatulong sa Philippine Sport.
Marami ang haka-haka sa biglaang pag-atras at kasama rito ang pagpasok ng isang mataas na sports official na may sensitibong puwesto sa pamahalaan na hiniling na ibigay na lamang kay Cojuangco ang POC president.
Sa opisyal na pahayag, sinabi ni Pangilinan na hindi pa niya panahon na maupo sa POC presidency pero nangakong tutulong pa para sa ikagaganda ng palakasan ng bansa.
Wala man sa POC si Pangilinan, tiyak namang tutuparin niya ang pangakong patuloy na suporta, dahil aminin man niya o hindi, katulad ng negosyo kung saan siya nakilala, ang sports ay bahagi ng rin ng kanyang buhay at hindi na niya puwedeng iwanan pa.
- Latest

















