PSC babaguhin ang format sa Batang Pinoy
MANILA, Philippines - Babaguhin ng Philippine Sports Commission (PSC) ang format sa mga regional eliminations ng Batang Pinoy para mas makakita ng bata at mahuhusay na manlalaro na puwedeng pakinabangan ng national teams.
Sa panayam kay PSC commissioner-in-charge Jolly Gomez, sinabi niyang babawasan nila sa tatlo na lamang ang regional eliminations sa gagawing ikatlong edisyon ng kompetisyong bukas para sa edad 15-anyos pababa.
May limang regional eliminations na ginawa sa 2012 edisyon ng Batang Pinoy na itinaguyod ng Marikina City (NCR), Lingayen, Pangasinan (Northern Luzon), Occidental Mindoro (Southern Luzon), Dapitan City (Mindanao) at Tacoloban City (Visayas). Ang mga gold at silver medalists ng bawat leg ay naglaro sa National Finals na ginawa sa Iloilo City.
“Next year, we will be holding only three eliminations, one for Luzon, one for Visayas and one for Mindanao. This will ensure a tougher eliminations for the athletes and less cost for the different Local Government Units,” wika ni Gomez.
Binanggit niya ang Zambales, Roxas City at Tagum bilang mga inaasintang lugar para siyang tumayong host sa tatlong regional eliminations. Ang finals ay gagawin sa Zamboanga City sa Disyembre.
Umabot sa 24 sports ang pinaglabanan sa 2012 Batang Pinoy pero 10 sports lamang ang isinama sa limang eliminations at national finals.
Ipinagmalaki rin ni Gomez na doble ang bilang ng mga sumali sa taong ito dahil nasa 3,500 kabataan ang lumahok mula sa 2000 noong 2010.
Sa talaan, ang Baguio City ang lumabas bilang pinakamahusay na LGU nang kumubra ng 48 ginto, 29 pilak at 34 bronze medals.
Ang mga medalyang ito ay nanggaling sa iba’t-ibang sports kaya’t posibleng maging breeding ground ng atleta ang Baguio.
Ang Quezon City ang pumangalawa sa 17-13-33 bago sumunod ang Laguna, Manila at Cebu bitbit ang 16, 14 at 14 gintong medalya.
- Latest