Eala, Bautista pasok sa semis
MANILA, Philippines - Pinatalsik ni Alex Eala si second seed Maxine Martin, 6-0, 6-1, patungo sa semifinal round ng girls’ 12-and-under division Philippine Sports Commission-Philippine Tennis Association Age-Group Tennis Championships kahapon sa Rizal Memorial Tennis Center.
Kaagad na dinomina ni Eala si Martin sa opening set para labanan si Blanche Lagrisola- sa isang silya sa finals.
Giniba naman ni No. 4 Bettine Bautista si Erika Manalo, 6-1, 6-3, upang harapin ang mananalo sa laro nina top seed Kristin Salimbangon at Gia Sagandoy sa event na itinataguyod ng PSC, Philta at Dunlop Fort, ang official ball.
Umabante din sa semis si Marcel Gonzales sa boys’ 16-and-under class mula sa kanyang 6-3, 6-3 pananaig kontra kay No. 7 Jose Cano, habang tinalo ni Betto Orendain si fourth seed Kyle Joseph, 7-6(4), 6-1.
Sinibak ni second seed Emmanuel Vacallares si Alquin Flores, 6-3, 6-2, upang itakda ang kanilang semis match ni No. 4 Godfrey Seno, iginupo si Brysl Libao, 6-1, 6-3, sa boys’ 14-and-under category.
- Latest