Marquez pinagreretiro na rin ng kanyang asawa
MANILA, Philippines - Tulad ng Pambansang kamao Manny Pacquiao, pinipigilan na rin ng pamilya ni Juan Manuel Marquez ang Mexican boxer sa plano nitong lumaban pa sa 2013.
Sa lumabas na pahayag sa Boxingscene, sinabi ng 39-anyos na si Marquez na mahirap ang magdesisyon kung lalaban pa siya o hindi sa papasok na taon dahil pumapagitna sa kanyang career ang kanyang asawa na si Erika.
Idinagdag ni Marquez na kung siya ang tatanungin ay nais pa niyang lumaban dahil gusto niyang wakasan ang makulay na boxing career na lumaban sa makasaysayang palaruan sa Mexico na Estadio Azteca.
Ngunit, hindi pa malaman kung maisasakatuparan pa ito dahil sa paghimok ng asawa na magretiro na matapos kunin ang kumbinsidong 6th round knockout na panalo laban sa karibal na si Manny Pacquiao noong nakaraang Linggo sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
“It’s the hardest decision of my life,” wika ni Marquez.
Naunang nangako si Marquez sa pamilya na magreretiro na kapag naisakatuparan ang planong patunayan na nadaya lamang siya noong natalo kay Pacquiao noong 2008 at 2011.
Dalawang beses niyang pinatumba si Pacman sa nasabing laban pero ang pinakamatindi ay ang counter right na pinakawalan sa pasalubong si Pacquiao para bumuwal, una mukha, ang 8-division world champion isang segundo bago natapos ang ikaanim na round.
Kung susundin ang naipangako at magretiro na ay puwede na rin, sabi ni Marquez.
Nagretiro na si Marquez matapos lasapin ang kontrobersyal na majority decision loss kay Pacman noong 2011 pero bumalik din siya dahil hindi mapalagay na hindi maipakita sa lahat na siya ang tunay na nanalo sa nasabing laban.
Pero ang pinal na desisyon ay kanyang ihahayag sa hinaharap lalo pa’t naroroon pa ang kati na lumaban.
- Latest