Laro Ngayon
(Smart Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Barako Bull vs Alaska
6:30 p.m. Petron vs San Mig Coffee
MANILA, Philippines - Matapos igupo ang Alaska sa kanilang unang laro, tatlong mabibigat na laban ang susuungin ng San Mig Coffee.
“We’ve got Petron, Talk ‘N Text and Rain or Shine. It’s a tough grind early in the conference,” sabi ni coach Tim Cone matapos talunin ng kanyang Coffee Mixers ang Aces, 103-83, noong Oktubre 5 kung saan tumipa si 6-foot-8 Yancy De Ocampo ng 22 points kasunod ang 20 ni two-time PBA Most Valuable Player James Yap.
Sasagupain ng San Mig Coffee ang Petron Blaze ngayong alas-6:30 ng gabi matapos ang salpukan ng Alaska at Barako Bull sa alas-4:15 ng hapon sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Tinalo ng Boosters ni mentor Olsen Racela ang Coffee Mixers sa kanilang dalawang beses na paghaharap sa preseason.
Magkasalo sa liderato ang Barangay Ginebra San Miguel at nagdedepensang Talk ‘N Text mula sa magkatulad nilang 2-0 record kasunod ang San Mig Coffee (1-0), Rain or Shine (2-1), Barako Bull (1-1), Meralco (1-1), Petron Blaze (1-1), Air21 (1-2), Alaska (0-2) at Globalport (0-3).
Nanggaling ang Boosters sa 98-89 panalo kontra sa Energy Cola noong Oktubre 10.
“Kailangan naming matuto to play consistent basketball for 48 minutes,” ani Racela sa pinabayaang 20-point lead ng Petron na sinamantala ng Barako Bull para makadikit sa final canto. “Kahit sinong team sa PBA kapag binigyan mo ng ganoong opportunity, eh talagang makakagawa ng run at makakabalik.”
Sa unang laro, mag-uunahang makabawi sa kabiguan ang Aces at Energy Cola matapos matalo sa Bolts, 86-93, at Boosters, 89-98, ayon sa pagkakasunod.