Ateneo tanker sumisid ng bagong record sa UAAP swimming

 MANILA, Philippines - Nagpasiklab sa kanyang debut ang rookie na si Axel Ngui ng Ateneo sa UAAP Season 75th swimming competitions matapos lumangoy ng bagong marka sa men’s 800-meter freestyle nitong Huwebes sa Trace Aquatics Center sa Los Baños, Laguna.

Naglista ang 18-anyos na si Ngui, nagtapos sa Xavier High School, ng ti­yempong 8:44.38 na tumabon sa dating marka ni dating University of the Philippines star Ryan Arabejo na 8:50.16 noong 2006.

Tinalo ni Ngui sina Nikita Dacera ng Fighting Maroons, nakuntento lamang sa silver sa oras na 9:03.88 at Gio Palencia ng Blue Eagles na mayroong 9:16.51 oras para sa bronze medal.

Nauna rito, nagwagi rin si Ngui sa men’s 100-m freestyle sa pagrehistro ng oras na 53.57 segundo para sa kanyang ikalawang gold

Dinomina naman ng reigning Athlete of the Year na si Johansen Aguilar ang 200-m individual medley sa oras na 2:12.02 upang tulungan ang nagdedepensang La Salle na palakasin ang kanilang kampanya para sa ikalawang kampeonato sa men’s division. 

Show comments