MANILA,Philippines - Haharapin ng Smart Gilas Pilipinas 2.0 ang Chinese Taipei sa 2012 FIBA Asia Cup knockout quarterfinals bukas sa Ota Gymnasium sa Tokyo, Japan.
Nangyari ito nang talunin ng Taiwanese team ang Qatar, 75-73, sa pagtatapos ng preliminary round kahapon.
Nailusot ni Chih-Chieh Lin ang magandang lob pass tungo sa dunk shot ni Lei Tien sa huling dalawang segundo para basagin ang huling tabla sa 73-all.
Tinapos ng Taiwan ang Group B elimination bitbit ang 2-2 karta habang ang Qatar ay tumapos sa 1-3 baraha.
Ang Iran at Japan ay parehong may 3-0 baraha at pinaglabanan nila ang number one seeding sa Group B sa huling laro kagabi.
Ang Pilipinas na pumangalawa sa Group A sa 3-1 baraha, ang makakatapat ng number three sa kabilang grupo na Taipei habang ang Lebanon ang makakasukatan ng Qatar.
Naunang nanalo ang Lebanon sa Uzbekistan, 84-49, habang dinurog ng China ang Macau, 106-46, para magkaroon ng tabla sa 3-1 sa pagitan ng dalawang bansa at ng Pilipinas.
Pero mas mataas ang quotient ng nagdedepensang kampeon na Lebanon at Pilipinas para itulak ang China sa ikatlong puwesto.
Ang Uzbekistan na may 1-3 baraha, ang umani ng ikaapat na puwesto sa Group A habang namaalam na ang Macau at India na parehong may 0-4 karta.
Ang matatalo sa Iran at Japan ang kalaban naman ng China habang ang mananalo ang katunggali ng Uzbekistan.