MANILA, Philippines - Siyam na gintong medalya sa athletics event ang pag-aagawan ngayong araw sa pagsisimula ng hostilidad sa National Capital Region leg ng POC-PSC Batang Pinoy 2012 sa Marikina Sports Center.
Sa 5,000-meter run nakataya ang unang gold medal sa sports event para sa mga student-athletes at out-of-school youth na may edad 15-anyos pababa.
Ang iba pang events na sisimulan ay ang badminton (Marikina Sports Hub), boxing (Freedom Park), chess (Marikina Convention Center), lawn tennis (Rancho/Toyo), karatedo (Sta. Lucia Mall), table tennis (Marikina Convention Center), swimming (Marikina Sports Center) at volleyball (Marikina Center Covered Gym).
Pinamunuan nina Marikina City Mayor Del De Guzman, Philippine Olympic Committee president Jose ‘Peping’ Cojuangco, Jr. at Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia at Commissioner Jolly Gomez ang opening ceremony kahapon.
“Aside from discovering talents we are looking at increasing the number of participants,’’ ani Gomez sa 7,000 partisipante na inaasahan ng PSC .
Ang Northern Luzon leg ng Batang Pinoy ay idaraos sa Pangasinan sa Oktubre 10-13, habang ang Oriental Mindoro ang gagawin sa Southern Luzon leg sa Oktubre 24-27.
Ang Mindanao leg ay hahawakan ng Cagayan de Oro sa Nobyembre 7-10 at sa Tacloban City gagawin ang Visayas leg sa Disyembre 21-24, habang ang National Finals ay sa Iloilo City sa Disyembre 5-8.