Pinoy chessers may maipagmamalaki pa rin kahit tumapos na ika-21st sa Chess Olympiad

MANILA, Philippines – Bagamat nagtapos bilang pang 21st place, nakitaan pa rin ng magandang kampanya ang Philippine men’s team sa katatapos na World Chess Olympiad sa Istanbul, Turkey.

Si GM Wesley So ang tanging Filipino na hindi nakalasap ng kabiguan sa likod ng kanyang 6.5 points mula sa 2 wins at 9 draws at inaasahang tataas ang kanyang FIDE rating na 2652 sa 2662 matapos makakuha ng 10.3 points.

Sa top board, nakipag-draw si So sa mga bigating sina GM Viktor Bologan (2660) ng Moldova, GM Levon Aronian (2816) ng Armenia, GM Veselin Topalov (2752) ng Bulgaria, GM Peter Leko (2737) ng Hungary, GM Michael Adams (2710) ng Germany, GM Wang Hao (2726) ng China, GM Le Quang Liem (2693) ng Vietnam at Constantin Lupulescu (2614) ng Romania.

Habang walang natikmang kabiguan si So, tumapos naman bilang highest scorer si GM Oliver Barbosa sa 11 rounds galing sa kanyang 7.0 points (5 wins, 4 draws at 2 losses).

Ang kampanya ni Barbosa ay nagbigay sa kanya ng 20.4 rating points at ang kanyang 2554 rating ay inaasahang aakyat sa 2574 na maglalapit sa kanya sa 2600 na katumbas ng super GM status.

Nakasagupa ni Barbosa ang pitong players na may minimum rating na 2618 at dalawa rito ay kanyang tinalo.

Show comments