USA, Taiwan pasok sa semis ng World Cup of Pool
MANILA, Philippines - Napunta sa USA ang suwerte sa huli upang makaabante sa semifinals sa 2012 PartyPoker.net World Cup of Pool kahapon sa Robinson’s Manila.
Namuro na ang China na kinatawan nina Li He-wen at Liu Hai-tao nang mangailangan na lamang na ipasok ang huling tatlong bola para mapanalunan ang deciding 17th rack pero sa di maipaliwanag na pangyayari ay na-scratch ang cue-ball kasabay ng pasok ng 7-ball sa tira ni Liu.
Ball in hand ang nangyari sa US pair na sina Shane Van Boening at Rodney Morris at hindi na nila pinakawalan ang break na ito upang angkinin ang 9-8 panalo sa quarterfinals.
Dominado ng US ang labanan at hinawakan nila ang 5-0 bentahe at 7-1. Nauna silang umabot sa hill sa 8-2 pero biglang nagbago ang ihip ng hangin at napunta ang suwerte sa China na umarangkada ng anim na sunod na racks para maitabla ang laban sa 8-8.
“We got lucky at the end,” wika ni Morris na tila hindi makapaniwala sa nangyari sa nasabing tagisan.
Umabante sila sa semifinals ngayong hapon at ang makakatapat nila ay ang mananalo sa pagitan nina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante ng Pilipinas at Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland na huling laro kagabi.
Nailusot naman ng batang koponan ng Chinese-Taipei na sina Han En Hsu at Hsin Ting Chen ang makalaglag-puso ring 9-8 panalo laban sa England na ibinabandera ng World’s number one Darren Appleton at Chris Melling sa ikalawang laro sa Last 8.
Bumangon ang Taiwanese players mula sa 7-8 iskor upang ipakitang may ibubuga sina Han at Hsin na nasilayan sa kompetisyon sa unang pagkakataon.
Sunod na kalaban ng Taiwan ay ang mananalo sa pagitan ng Poland at Italy. (AT)
- Latest
- Trending

















