Partypoker.Net World Cup Of Pool: Mga seeded teams tuloy sa pananalasa
MANILA, Philippines - Wala pa ring nakakalos sa mga seeded teams sa ikalawang araw ng 2012 PartyPoker.net World Cup of Pool kagabi sa Robinson’s Manila.
Nanguna sa pagpapakita ng galing ang third seeds na England na binubuo nina World’s number one Darren Appleton at Chris Melling na dinurog sina Serge Das at Cliff Castelein ng Belgium sa 8-2 panalo.
Ang 2010 champion at fourth seeds China na kinatawan ngayon nina Li He-wen at Liu Hai-tao ay nanaig kina Chan Keng Kwang at Aloysius Yapp ng Singapore, 8-3, habang ang Spain na binuo nina David Alcaide at Francisco Diaz at ranked13th sa torneo, ay pinagpahinga sina Gabor Solymisi at Miko Balazs ng Hungary, 8-3.
Sina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland na may 16th seeding, ang siyang napalaban kina Ryu Seung Woo at Lee San Su ng Korea bago naiuwi ang 8-4 baraha.
Malamig ang kanilang panimula para malaglag sa 0-4 start. Ngunit nang nakuha ang tunay na laro ay iniwan na ang Koreans para mamahinga na sa kompetisyon.
Iinit pa ang labanan sa gabing ito dahil sasalang uli ang two-time champions na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante laban sa Canada na pangungunahan ng Fil-Canadian at dating world champion Alex Pagulayan.
Ang laro ang pinakahuli sa walong laban na nakahanay at ang mananalo rito ay aabante na sa quarterfinals.
Sina Reyes at Bustamante ang Team B ng host country matapos ang tambalan nina Lee Van Corteza at Dennis Orcollo ay umabante sa second round gamit ang 8-3 panalo kontra sa tambalang Lee Chenman at Kenny Kwok ng Hong Kong na nangyari noong Martes ng gabi.
Katuwang naman ni Pagulayan si John Morra at ang kanilang tambalan ay nagresulta sa 8-7 panalo laban sa pares nina Marcus Chamat at Andreas Gerwen ng Sweden.
Ang mananalo sa labang ito ang siyang makakatapat ng magwawagi sa pagitan nina Immonen at Makkonen ng Finland at nagdedepensang kampeon Ralf Souquet at Thorsten Hohmann ng Germany na mauunang lumaban sa gabing ito. (ANGELINE TAN)
- Latest
- Trending