Gilas 2.0 sisimulan ngayon ang pag-eensayo
MANILA, Philippines – Isang linggo matapos pagharian ang 34th W. Jones Cup sa Taipei ay kaagad na sisimulan ng Smart Gilas Pilipinas 2.0 ang kanilang paghahanda para sa darating na 4th FIBA-Asia Cup, ang dating Stankovic Cup, na nakatakda sa Setyembre 14-22 sa Tokyo, Japan.
Bubuksan ng Nationals ang kanilang pag-eensayo ngayong alas-7:30 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.
Haharapin naman ng Gilas 2.0 ang bumibisitang Qatar National team sa isang tune-up game sa Setyembre 8 sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
“You will be allowed to come & watch d final 30mins of practice on Monday, 730pm at ULTRA. Tuneup vs Qatar on Sept 8 at Ynares shaw is open,” wika ni national head coach Chot Reyes sa kanyang Twitter account.
Si Jared Dillinger ng Talk ‘N Text ang bagong hinugot para sa Gilas 2.0 upang makasama nina 6-foot-11 naturalized import Marcus Douthit, LA Tenorio ng Barangay Ginebra, Sonny Thoss ng Alaska, Gabe Norwood at Jeff Chan ng Rain or Shine, Gary David ng Global Port, Jay-R Reyes ng Meralco, Larry Fonacier at Ranidel de Ocampo ng Talk ‘N Text, Rico Villanueva ng Barako Bull at Fil-Am Matt Rosser.
Ang 6’3 na si Dillinger ay naging miyembro ng Phl team na tumapos bilang pang walo sa 2009 FIBA Asian Championship sa Tianjin, China.
Sina Mac Baracael ng Alaska at Sol Mercado ng Meralco ay hindi isinama sa line-up, habang magiging reserve player naman si Garvo Lanete matapos maging bahagi ng champion team sa Jones Cup.
Ang Top Three team sa nasabing torneo ay makakalaro sa 2013 FIBA-Asia Men’s Championships.
“Yes FIBA Cup will be shown on AKTV,” ani Reyes. “If we don’t finish in d top 3, we will have to win SEABA next year to play in FIBA Asia 2013.”
Makakalaban ng Nationals sa preliminary round ang China, Lebanon, Uzbekistan at Macau, habang nasa kabilang grupo naman ang Iran, Qatar, India, Japan at Chinese-Taipei.
- Latest
- Trending