Army sumalo sa liderato
MANILA, Philippines - Gumawa ng 11 kills si Rachel Ann Daquis bukod sa tatlong service aces para pangunahan ang 18-25, 25-20, 25-22, 25-17 panalo ng Philippine Army sa FEU noong Martes sa Shakey’s V-League Open sa Ninoy Aquino Stadium.
Sinukat muna ng Army ladies ang lakas ng Lady Tamaraws sa unang set at nang napag-aralan ay hinataw ang sunod na tatlong sets para makuha ang tagumpay sa larong tumagal ng isang oras at 38 minuto.
Sina Michelle Carolino, Iari Yongco, Joanne Bunag at Cristina Salak ay nagsanib sa 44 puntos para suportahan si Daquis na mayroong 14-hits at ang nagdedepensang kampeon ay umangat sa 2-0 karta at nakapantay ang Sandugo-San Sebastian sa liderato sa anim na koponang liga na inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza at may ayuda pa ng Accel at Mikasa.
May 18 hits naman si Iris Patrona para sa FEU na bumagsak sa 0-2 karta at makapantay sa huling puwesto ang Philippine Navy.
Ang larong ito ay mapapanood sa AKTV bukas sa ganap na ika-7 ng gabi.
Samantala, si Sandra delos Santos ng Cagayan ang nangungunang scorer matapos ang dalawang laro.
May 41 hits na siya kasama ang 19 spikes,11 blocks at 11 service aces at ang Rising Suns ay may 1-1 karta para makasalo ang Ateneo sa ikatlo at ikaapat na puwesto.
- Latest
- Trending