Tigers sumosyo sa unahan; Maroons nagwagi rin

MANILA, Philippines - Nagiging ordinaryo na para sa University of Santo Tomas ang manalo sa dikitang labanan.

Sa huling laro sa first round elimiantion sa 75th UAAP men’s basketball kahapon sa Araneta Coliseum, bumangon uli ang Tigers mula sa pinakamalaking 11 puntos na pagkakalubog at anim sa huling 3:22 tungo sa 61-60 panalo sa minamalas na Adamson.

Si Karim Abdul ang nanguna uli sa Tigers sa kanyang 18 puntos at 12 rebounds pero ang kanyang pasa sa libreng si Jeric Fortuna na nakaiskor ng tres ang nakatulong sa pamatay na 7-0 run.

Umiskor naman sa ilalim si Abdul sa assist ni Fortuna upang makumpleto ang run na nagbigay sa Tigers ng 61-60 bentahe mula sa 54-60 sa tres ni Allen Etrone.

“Iyong attitude na not giving up hanggang may oras ang nakakatulong sa amin para manalo sa ganitong laro. Tumibay na rin kami dahil marami na kaming endgame na naghahabol tayo tapos nananalo pa,” wika ni Tigers coach Alfredo Jarencio na sumalo sa liderato sa Ateneo sa magkatulad na 6-1 baraha.

May 12 puntos si Fortuna na siya ring ginawa ni Aljon Mariano para sa Tigers na tinapos ang first round bitbit ang anim na sunod na panalo.

Nalaglag naman ang Falcons sa ikaanim na pagkatalo sa pitong laro at talagang ayaw kumapit ang suwerte sa koponan ni coach Leo Austria.

Naghatid ng 19 puntos at 10 rebounds si Eric Camson pero inatake siya ng pulikat sa kaliwang binti sa puntong nag-iinit na ang Tigers.

Nakabalik pa siya pero ang kanyang atake sa hu­ling 8.1 segundo ay kinapos para mauwi uli sa nakakapanghinayang na pagtatapos ang naunang malakas na hamon ng Falcons.

Tinapos naman ng UP ang 15-game losing streak, kasama ang limang dikit sa taong ito , nang tambakan ang UE, 63-48, sa isa pang laro.

Si Henry Asilum ay naghatid ng career high na 14 puntos na lahat ay ginawa sa second half habang ang beteranong si Mark Lopez ay mayroong 10 puntos, 6 rebounds at 4 assists.

“Sa UP, losing hope is not an option. I’m sure this will propel us to a stronger second round,” wika ni Maroons coach Ricky Dandan.

Show comments