OKLAHOMA CITY--Nakipagkasundo si forward Serge Ibaka sa Oklahoma City Thunder sa isang four-year, $48 million contract extension, wika ng league sources sa Yahoo! Sports.
Muling makakasama ng 22-anyos na si Ibaka, maaaring naging restricted free agent kung hindi napapirma, sina Kevin Durant at Russell Westbrook para sa Thunder.
Sina Durant at Westbrook ay parehong may maximum contracts na pinapayagan sa ilalim ng collective bargaining agreement ng NBA.
Wala namang kontratang napaplantsa ang Oklahoma City para kay guard James Harden.
Maaaring humingi si Harden ng maximum contract sa league market bilang isang restricted free agent.
Sa kanyang pangatlong NBA season noong 2011-2012, nagposte si Ibaka ng mga averages na 9.5 points, 7.5 rebounds at 3.6 blocks per game.
Si Ibaka ang isa sa pinakamagaling sumupalpal sa liga ngayon at pinapaganda pa niya ang kanyang offensive game.
Naging susi si Ibaka sa pag-angkin ng Spain sa silver medal sa nakaraang 2012 Olympic Games sa London.