PASA prexy ipinapaaresto
MANILA, Philippines - Nalalagay sa peligro ang pagiging swimming president ni Mark Joseph.
Ito ay matapos ipag-utos ng Quezon City Regional Trial Court ang pagdakip kay Joseph bunga ng kasong child abuse na isinampa noong nakaraang taon ng swimmer na si Jerome Paul Carpio.
“Upon perusal and examination of the Information in the above-captioned case and the accompanying documents attached thereto, the Court finds the existence of probable cause for the issuance of a warrant of arrest against the accused,” wika ng desisyon ni QCRTC branch 107 Presiding Judge Jose Bautista Jr. na ipinalabas noong Agosto 10.
May piyansa namang itinakda ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ni Joseph na nagkakahalaga ng P80,000.00.
Dumulog sa korte si Carpio, anak ng The Philipine Star assistant sports editor na si Gerry Carpio, sa hukuman noong Hulyo, 2011, dahil sa paniniwalang nilabag ni Joseph ang Section 10 ng Republic Act 7610 na kilala rin bilang Child Abuse Law.
Ang reklamo ay bunsod ng pagkakapahiya ni Carpio nang tumungo siya sa Kota, Kinabalu sa Malaysia noong 2010 para lumahok sa 43rd Sabah Age Group Swimming Championships.
Kasama si Carpio sa grupo ng ASAP at dapat ay lalangoy sa 50-meter at 200-meter relay sa freestyle sa boy’s 15-17 age group.
Ngunit hindi nakasali ang nasabing swimmer dahil sa komunikasyon na ipinadala ni Joseph na nagsasaad na mga peke ang pasaporte at dokumento ni Carpio at ng ibang kasamang swimmers.
Dahil naramdaman na nasira ang dangal dahil sa aksyong ito, nagdesisyon si Carpio na dumulog sa korte at nagbunga ito dahil sa ibinabang arrest warrant.
- Latest
- Trending