MANILA, Philippines - Sumandal sa malakas na panimula ang mga koponan ng Our Lady of Fatima University at STI College upang kalusin ang mga nakalaban sa pagpapatuloy ng 12th NAASCU men’s basketball sa Lumera Towers sa Legarda, Manila noong Martes.
May 15 puntos si Benjie Jimenez habang 14 puntos at 10 assists ang ibinigay ni Dexter Rosales para sa Phoenix tungo sa 77-71 panalo sa AMA University.
Lumayo agad sa 26-16 ang Phoenix at naisantabi nila ang tangkang pagbangon ng Titans upang makuha ang ikalawang panalo matapos ang tatlong laro.
Si Carlito Cubo ay naghatid pa ng 14 puntos habang 10 ang ibinigay ni Michael Banaria para itulak ang Titans sa 1-2 baraha.
May tig-12 puntos sina Maclean Sabellina at Cedric Abalaza habang 11 ang ibinigay pa ni Abe Chavez upang angkinin ng Olympians ang 74-65 panalo laban sa New Era University sa isa pang seniors game.
Sa depensa sumandig din ang STI dahil nilimitahan lamang nila ang Hunters sa 12 puntos sa second period para iwanan ito sa 45-26 at matiyak din ang ikalawang panalo sa tatlong laro.
Humataw si Symon Santos ng 16 puntos pero hindi sapat ito para pigilan ang pagbagsak ng NEU sa 1-2 baraha.
Samantala sa women’s division, pinataob ng AMAU ang St. Clare, 84-58; hiniya ng TRACE College ang New Era, 73-62 at nanaig ang CEU sa OLFU, 75-33 iskor.