Tigers nakisalo sa itaas
MANILA, Philippines - Nakuha ng UE ang kanilang kauna-unahang panalo sa 75th UAAP men’s basketball habang naitala naman ng UST ang kauna-unahang five game winning streak mula ng naupo bilang head coach si Alfredo Jarencio.
Kumawala si Roi Sumang ng 18 puntos, 8 assists at 2 steals at anim na puntos ang kinamada sa huling minuto ng fourth period para tapusin ng Warriors ang naunang limang sunod na pagkatalo sa pamamagitan ng 71-66 tagumpay sa Adamson sa unang laro kahapon sa Araneta Coliseum.
“Mahirap ipaliwanag ang feelings. Ang mahalaga ay nanalo rin kami,” wika ni UE coach Jerry Codiñera na maaring tapusin ang kampanya sa first round bitbit ang dalawang panalo kung dadaigin ang UP sa Linggo.
Dominado ng UE ang labanan nang hawakan ang 50-32 bentahe sa kaagahan ng ikatlong yugto
Ngunit nangamba ang mga panatiko ng Warriors dahil nakabangon ang Falcons at nakadikit sa 63-60 sa free throw ni Eric Camson
Pero dalawang matitinding atake sa basket ang ginawa ni Sumang para ilayo ang koponan sa 69-62, may 21 segundo sa orasan.
Samantala, humakot si Karim Abdul ng 20 puntos bukod sa 12 rebounds upang trangkuhan ang 68-58 panalo sa UP sa ikalawang laro.
Napahirapan ang Tigers ng Maroons dahil nakadikit pa sila sa 54-55 mula sa split ni Cris Ball sa foul ni Abdul.
Bumawi si Abdul mula sa pangyayari sa pamamagitan ng apat na buslo na pumagitna sa tres ni Clark Bautista at ang Tigers ay lumayo na sa 62-54.
Ito ang kauna-unahang limang sunod na panalo ng UST sapul nang naupo bilang head coach si Jarencio para makasalo na rin sila sa lideratong naunang tangan ng Ateneo at FEU.
Bumagsak naman ang Maroons sa ikaanim na sunod na pagkatalo at lumawig pa ang dominasyon ng UST sa kanilang koponan.
UST 68 - Abdul 20, Bautista 12, Lo 11, Fortuna 10, Vigil 7, Mariano 4, Ferrer 3, Afuang 1, Pe 0, Daquioag 0.
UP 58 - Silungan 10, Lopez 10, Asilum 9, Ball 7, Mbah 5, Soyud 4, Manuel 4, Padilla 3, Romero 2, Montecastro 2, Hipolito 2, Wong 0.
Quarterscores: 16-15, 33-33, 50-45, 68-58
- Latest
- Trending