6 na dikit sa Bullpups, Baby Tams
MANILA, Philippines - Lumawig sa anim na sunod na panalo ang karta ng nagdedepensang National University at FEU nang manalo sa hiwalay na laro sa pagpapatuloy ng 75th UAAP juniors basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
May 13 puntos, 11 rebounds si John Cauilan mula sa bench habang ang mga starters na sina Reggienal Morido at Ralph Busa ay tumapos taglay ang 11 at 10 puntos upang tulungan ang Bullpups sa 69-47 panalo laban sa UP Integrated School.
Ang nagdedepensang MVP na si Jerie Pingoy ay nagbigay ng 21 puntos sa 22 minutong paglalaro upang ibandera ang Baby Tams sa 80-59 tagumpay laban sa Adamson.
Hindi sumablay si Pingoy sa tatlong buslo sa ikalawang yugto para tulungan ang FEU na ma-outscore ang Baby Falcons, 25-11, upang ang 6-14 iskor sa first quarter ay nauwi sa 31-25 abante sa halftime.
Si Pingoy ay kasama sa Energen National U-18 team na maglalaro sa FIBA-Asia sa Ulaanbaatar, Mongolia.
Nanalo naman ang UST sa La Salle Zobel, 78-71, habang ang Ateneo ay nanalo sa UE, 79-53, sa iba pang laro.
- Latest
- Trending