MANILA, Philippines - Mga koponang nagkita sa Finals sa huling dalawang taon na San Beda at San Sebastian ang magsusukatan sa unang pagkakataon sa 88th NCAA men’s basketball na magdaraos ng laro ngayong gabi sa The Arena sa San Juan City.
Dakong alas-6 ng gabi itinakda ang inaasahang mahigpitang tagisan ng Lions at Stags at ang mananalo ang siyang hahawak sa liderato sa 10 koponang liga.
Ang Jose Rizal University at host Letran ay magtutuos sa unang seniors game sa ganap na alas-4 ng hapon na isa ring dikitang laro lalo pa’t parehong may winning records ang dalawang magtatagisan.
Ang Lions ay nagsosolo sa unahan sa 6-1 karta pero kalahating laro lamang na napag-iiwanan ang Stags at Heavy Bombers sa 6-2 baraha. Ang Knights ay may 4-3 karta para malagay sa ikalimang puwesto kasunod ng Perpetual Help na tinapos ang first round elimination bitbit ang 6-3 baraha.
Huling tinalo ng tropa ni coach Ronnie Magsanoc ang Heavy Bombers, 62-37, bago napahinga ng walong araw.
Sa kabilang banda, ang bataan ni coach Topex Robinson ay lumasap ng di inaasahang 54-61 pagkatalo sa kamay ng Mapua, noong nakaraang Lunes.
Naniniwala si Robinson na ang pagkatalo ang gigising uli sa kanyang kamador para magtrabaho pa dahil hindi biro ang puwersa ng Lions na bukod sa isang champion team ay pinalakas pa sa pagpasok ni Olaide Adeogun.
Ang 6’7 import na si Adeogun ay naghahatid ng 9.3 puntos, 10 rebounds, 2.7 blocks, at 1.7 assists.
Ibabandera ang Stags ni Calvin Abueva na siyang nangunguna sa scoring, rebounding at assists sa ibinibIgay na 20.4 puntos, 17 rebounds at 6.5 assists.