Azkals umakyat sa No. 150 sa FIFA rankings
MANILA, Philippines - Mula sa pagiging No. 152 ay umakyat sa No. 150 ang ranggo ng Philippine Azkals sa listahan ng FIFA, ang world football federation.
Maaari pang mapaganda ng Azkals ang kanilang katayuan sa pamamagitan ng mga nakatakdang friendly matches laban sa US Virgin Islands, ang No. 178 sa FIFA Rankings, at kontra sa ilang koponan sa Southeast Asia.
Kasalukuyang nasa ikatlong posisyon ang Azkals sa Southeast Asia sa ilalim ng Thailand at Vietnam kasunod ang Malaysia.
Pinaghahandaan ng Azkals ang darating na 2012 AFF Suzuki Cup na nakatakda sa Nobyembre sa Thailand.
Sa kanilang 17-day training camp sa United States, makakaharap ng Azkals sa mga friendlies ang Chicago Inferno Soccer Club (Agosto 11 sa Wheaton, Chicago) at US Virgin Islands national team (Agosto 17 sa Indianapolis).
Makakasabayan din ng Azkals sa kanilang Southeast Asia friendlies ang Cambodia sa Setyembre 5, ang Singapore sa Setyembre 7 at ang Laos sa Setyembre 10.
Isang 24-man pool ang binuo ni German head coach Michael Weiss sa pangunguna nina team captain Aly Borromeo, co-skipper Chieffy Caligdong, Jason Sabio, Rob Gier, Ian Araneta, Denis Wolf at Eduard Sacapano.
Bukod kay Fil-Am Chris Greatwich, ang goal-scorer sa 1-1 draw ng Azkals laban sa Singapore sa group stages ng 2010 Suzuki Cup, magbabalik din sa koponan sina Fil-Panamanian Demetrius Omphroy at Fil-Italian Matt Uy.
Ang iba pang miyembro ng tropa ay ang kambal na sina Marvin at Marwin Angeles, Misagh Bahadoran, Jeff Christiaens, Ref Cuaresma, Jason de Jong, Roel Gener, Anto Gonzales, Nestorio Margarse, Carli de Murga, Paolo Pascual, OJ Porteria at Patrick Reichelt.
Wala naman sa koponan si Fil-Spanish Angel Guirado at ang magkapatid na Phil at James Younghusband.
- Latest
- Trending