Pinoy bodybuilders nag-uwi ng 6 gold sa Hong Kong tourney
MANILA, Philippines - Nagbunga ang paglahok ng Pilipinas sa 2012 HKFBB Bodybuilding & Fitness Invitational sa Kowloon Bay, Kowloon, Hong Kong nang manalo ang delegasyon ng anim na ginto, apat na pilak at limang bronze medals.
Umabot sa 15 ang bodybuilders na isinali sa nasabing kompetisyon at kasama sa nanalo ay sina fitness trainers Jerome Miranda at Jayzel Manaois.
Si Miranda ay nanguna sa men’s 65 kilogram division habang si Manaois ay pumangatlo sa 80kg class.
Sina Miranda at Manaois ay mga beterano ng malalaking bodybuilding at fitness championships at nakapaghatid na rin ng karangalan sa bansa.
Bukod sa dalawang ito ay may apat pang body builders ang nanalo ng gintong medalya para mapatunayan na ang Pinoy ay puwedeng magdomina sa larong ito.
Ang iba pang nagsipanalo ay sina Dondon Cortuna sa men’s 75 kg, Reysan Nonepara sa novice 75kg and below at men’s novice overall, Joseph Fernandez sa men’s novice 70kg below at Paolo Lobo Baligdin sa men’s novice 65kg below.
Ang tagumpay na ito ay magandang pabaon bago idaos ang 2nd Philippines-Asia 2012 International Bodybuilding Championships sa Mariner’s Court sa Cebu mula Setyembre 21 hanggang 24.
Ito ang pinaka-prestihiyosong bodybuilding event sa bansa at ang mananalo ang siyang ipinadadala para maging kinatawan ng Pilipinas sa Mr. Universe.
- Latest
- Trending