Painters hangad na makalapit sa korona
MANILA, Philippines - Dalawang panalo pa ang kailangan ng Elasto Painters para makamtan ang kanilang pinapangarap na kauna-unahang PBA crown sapul nang umakyat sa pro league noong 2006.
At alam ni head coach Yeng Guiao na kapalaran nilang magkampeon sa torneo.
“I felt in my heart that the boys knew this was their destiny and they’re claiming their destiny,” sabi ni Guiao matapos ang 93-84 panalo ng kanyang Rain or Shine laban sa B-Meg sa Game Three para kunin ang 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven championship series para sa 2012 PBA Governors Cup noong Biyernes.
Sisikapin ng Elasto Painters na makamit ang malaking 3-1 abante sa kanilang banggaan ng Llamados sa Game Four ngayong alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Jeff Chan, Ryan Arana, Jireh Ibanes at Ronjay Buenafe ang siyang nagbigay ng produksyon para sa Rain or Shine na hindi nagamit si rookie Paul Lee matapos muling ma-dislocate ang kaliwang balikat nito sa third quarter sa Game Two.
Matapos namang tumipa ng 24 points sa kanilang 85-80 pananaig ng B-Meg sa Game Two na nagtabla sa serye sa 1-1 noong nakaraang Miyerkules, nalimita si two-time PBA Most Valuable Player James Yap sa 7 markers, habang may 13 naman si import Marqus Blakely.
Pinaupo na ni mentor Tim Cone si Yap sa 7:23 pa sa third period kasunod sina PJ Simon, Marc Pingris at Blakely.
“If we could steal some rest for James and Pingris that would be a good strategy. I just felt they need some rest to put them back to the basketball game,” katuwiran ni Cone. “If we can steal some rest time and make them mentally fresh, hopefully on Sunday we can play the way we want to play. Not back to the wall game.”
Maraming fans ng Llamados na nagkampeon sa nakaraang 2012 PBA Commissioner’s Cup, ang nagtaka sa ginawang pagbabangko ni Cone kina Yap, Pingris, Simon at Blakely sa halos kabuuan ng second half.
- Latest
- Trending