JRU asam ang solong liderato
MANILA, Philippines - Isa sa Jose Rizal University at Emilio Aguinaldo College ang makakatikim ng unang pagkatalo sa 88th NCAA men’s basketball.
Sa ganap na alas-4 ng hapon ay magtutuos ang Heavy Bombers at Generals na kung saan ang panalong maitatala ng JRU ay magtutulak sa kanila sa solo liderato habang ang tagumpay ng EAC ang magbibigay daan para makasalo nila ang nagdedepensang San Beda sa unahan.
Bitbit ng tropa ni coach Vergel Meneses ang mga panalong naitala sa Mapua (65-64) at Arellano (77-65) at nangyari ito dahil sa kanilang matibay na depensa.
“Everygame palagi ko sinasabi sa kanila na hindi kami ang number one o two team pero kung hindi mawawala ang magandang depensa namin ay kaya naming manalo,” wika ni Meneses.
Ang Generals naman ay sariwa sa pagkapanalo sa Arellano, 75-72, at tiyak na na-scout nila ang laro ng Heavy Bombers at handang tapatan ito para maikasa ang magandang panimula sa liga.
Unahan naman sa pagbangon mula sa paglasap ng kabiguan ang St. Benilde at Mapua sa ikalawang laro dakong alas-6 ng gabi.
Ang Blazers ay dumanas ng mapait na 93-95 kabiguan sa kamay ng San Sebastian upang mabigo sa naunang inasam na sundan ang naitalang 70-61 panalo sa Lyceum sa unang laro.
- Latest
- Trending