Juico, Tolentino nagsanib puwersa na
MANILA, Philippines - Nagsanib kamay kahapon sina PhilCycling president at Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino at Integrated Cycling Federation of the Philippines (ICFP) head Philip Ella Juico upang tapusin ang ilang taong problema sa nasabing sport.
Ang One Esplanade sa SM Mall of Asia ang siyang lugar na pinagdausan ng United Congress at Election at sina Tolentino, Juico at cycling godfather Alberto Lina ang siyang magtutulung-tulong para muling pasiglahin ang cycling sa bansa.
“This is a great starting point for Philippine cycling,” wika ni Tolentino. “Forgive and forget na. Let us now move on at ibabangon uli namin ang cycling.”
Sinaksihan din ang kaganapan nina Philippine Olympic Committee (POC) president Jose Cojuangco Jr. at Asian Cycling Confederation (ACC) secretary general Choi Boo Wong na parehong nagalak sa pagtatapos ng problemang nagsimula apat na taon na ang nakalipas.
Naunang naglabas ng pangalan sina Tolentino at Juico sa kanilang napapalagay na dapat na masama bilang opisyales at pinagtibay ito sa isinagawang Congress na dinaluhan ng 104 club presidents at 36 members.
Mula sa 15 ninombra nagmula ang bagong opisyales at si Tolentino na siyang may basbas ng international federation UCI, ang nanatili bilang pangulo at si Juico ang kanyang vice president habang si Lina ang ginawang chairman.
Inilagay bilang treasurer sina Oscar “Boying” Rodriguez habang si Atty. Jesus Aranas ang auditor.
Sina Modesto Bonzo, Paquito Rivas, Carlos Gredonio, Juancho Ramores, Lorenzo Lomibao Jr., Atty. Froilan Dayco, Atty. Gregorio Larrazabal, Cornelio Baylon, Pablito “Bong” Sual at Ric Rodriquez ang mga board of directors.
Pinangalanan naman ni Tolentino si Atty. Avelino Sumagui bilang secretary-general at si Jojo Villa bilang executive director.
Unang gagawin ng bagong liderato ay ang pagsasaayos sa membership list na ayon kay Tolentino ay dinudumog ng mga fly-by-night clubs.
- Latest
- Trending