San Miguel sa depensa aasa
MANILA, Philippines - Depensa at suporta sa bench.
Ito ang nais na makita uli ni San Miguel Beermen coach Bobby Parks Sr. sa Game Two ng tagisan nila ng Indonesia Warriors sa Sabado para sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) title.
Sa Mahaka Square sa Jakarta gagawin ang bakbakan at tiyak na mataas ang morale ng Warriors dala ng inaasahang mainit na suporta mula sa kanilang mga tagahanga.
Muntik na nilang pinatahimik ang crowd ng Beermen na sumaksi sa Game One noong Sabado sa Ynares Sports Arena sa Pasig City nang dominahin ang mahigit sa three-fourths ng labanan.
Pero naipasok ni Froilan Baguion ang panablang tres, 77-77, para kunin ng Beermen ang momentum at ang 86-83 panalo.
“We’re gonna try and complete the job by finishing the series in Game Two,” wika ni Parks.
Pero hindi magiging madali ito dahil kailangan nilang doblehin ang kanilang efforts lalo na sa depensa bagay na hindi na masyadong problema dahil nakalaban na nila at nakita kung paano maglaro ang mga bagong pambato na sina Evan Brock at Stanley Pringle.
Si Pringle ay nalimitahan ng Beermen sa pitong puntos lamang sa second half matapos gumawa ng 14 sa first period habang si Brock na naghatid ng nangungunang 24 puntos ay hindi na nakagalaw sa huling tatlong minuto ng tagisan.
Kumana ng pinagsamang 72 puntos ang SMB starters na sina Duke Crews, Leo Avenido, Nick Fazekas at Chris Banchero pero malaking tulong ang ginawa ng bench na may 14 puntos o doble sa ginawa ng Warriors.
Bukod sa panablang tres, si Baguion din ang namahala sa pagpapatakbo sa opensa at nagtala ng 9 assists habang ang 6’10 na si Jun Mar Fajardo ay nagbigay ng 7 puntos at 5 rebounds kahit limitadong 10:27 lamang ang oras na kanyang inilaro.
- Latest
- Trending