David alas ng Tigers sa 2 sunod na panalo

MANILA, Philippines - Mula sa kanyang pagbibida sa dalawang sunod na panalo ng Powerade sa 2012 PBA Governors Cup, hinirang si Gary David bilang Accel-PBA Press Corps Player of the Week.

Sa mga tagumpay ng Tigers laban sa Alaska Aces at Talk 'N Text Tropang Texters, nagposte si Da­vid ng mga averages na 29.5 points, 3.0 rebounds at 3.5 assists.

“Whatever performance Gary does on court is a direct result of the hard work he spends in practice,” wika ni Powerade head coach Bo Perasol kay David.

Ibinahagi naman ng 2012 Philippine Cup Best Player ang karangalan sa bagong import na si Omar Sneed, pumalit kay four-year NBA veteran Rashad McCants.

“Iyong game namin sa Alaska napakahalaga dahil pag natalo pa kami, du'n sa ibaba na kami talaga,” sabi ng dating kamador ng Lyceum Pirates.

“At sa game namin sa TNT siyempre, mataas na ang morale namin at ang import namin may gustong patunayan, eh. Kaya saludo kami kay Omar. Beteranong maglaro at ang winning attitude niya kakaiba talaga,” dagdag pa nito.

Nagtala ang 6-foot-5 na si Sneed ng mga ave­rages na 22.5 points, 16.0 rebounds, 7.0 assists at 2.0 sa kanyang unang dalawang laro para sa Tigers.

Sa 110-105 panalo ng Tigers laban sa Tropang Texters, umiskor si David ng 28 points na tinampukan ng tatlong three-point shots sa third period.

Nagposte naman ang 6'2 na si David ng 31 points sa 114-97 paggupo kontra sa Aces.

 

Show comments