MANILA, Philippines - Buo na ang Smart Gilas II at inaasahan nang magsisimula ng kanilang pagsasanay si coach Chot Reyes at ang mga miyembro ng national training pool para sa 2013 FIBA Asia Championship.
Pumirma na sina substitute candidates Sol Mercado, Jarred Dillinger, Jeff Chan, Jvee Casio at Mac Baracael ng kanilang mga ‘letters of commitment’ bilang mga pool members matapos ang isang pulong noong Lunes sa Meralco complex sa Pasig City.
Sina Mercado, Dillinger, Chan, Casio at Baracael ang kukumpleto sa koponan kasama sina Jimmy Alapag, Kelly Williams, Larry Fonacier, Ryan Reyes, Jason Castro at Ranidel de Ocampo ng Talk N Text, Gabe Norwood ng Rain or Shine, Rico Villanueva ng Ginebra, LA Tenorio at Sonny Thoss ng Alaska, Gary David ng Powerade at naturalized player Marcus Douthit.
Makakasama naman nila si NBA center Javale McGee kung maaprubahan ang kanyang naturalization paper para sa nasabing torneo na siyang regional qualifier para sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
Dadalhin ni SBP president Manny V. Pangilinan ang grupo sa Spain para sa isang team-building session pagkatapos ng 37th PBA season.
Sa kanilang pulong, ipinanood ni Reyes sa Smart Gilas II ang video ng laro ng Nationals at Korea sa Wuhan, China noong 2011.
Para sa darating na Asian meet, kailangan ng Smart Gilas II na makapasok sa Top Three upang makalaro sa 2014 World Cup.