DUMAGUETE CITY, Philippines --Tatlong national athletes ang kaagad nagparamdam ng kanilang dominasyon sa pagsisimula ng track and field competition sa 2012 POC-PSC National Games kahapon dito sa Perdices Sports Complex.
Inangkin nina Julius Sermona, Eliezer Sumang at Rizel Buenaventura ang mga gintong medalya sa kani-kanilang events.
Nagtala si Sermona, isang two-time silver medalist sa Southeast Asian Games at kumakatawan sa PAF-HyperSports, ng bilis na 31:09.44 para talunin sina Kenyan Josphat Kiptanul Too (31:14.16) ng Negros Oriental at Olympian Eduardo Buenavista (32:03.97) ng PAF-HyperSports at kunin ang gold medal sa men’s 10,000-meter run.
“Talagang na-challenge ako sa kanya,” sabi ng 29-anyos na tubong Bacolod City na si Sermona kay Too na kanyang iniwanan sa dulo ng karera. “Ayoko ring mapahiya sa harap ng mga kababayan ko kaya pinilit ko talagang manalo.”
Patuloy pa ring nakatala ang national record ni Buenavista na 29:02.36 na kanyang inilista sa 14th Asian Games sa Busan, Korea noong 2002.
Naghagis naman si Sumang ng Bacolod City ng 15.58 metro para angkinin ang ginto sa men’s shot put at talunin sina Nixon Mas (12.91m) ng PF-HyperSports at Francis Berizo (12.47m) ng Cebu City.
Si Sumang ang may hawak ng national record na 16.35m na kanyang ipinoste sa HCMC Natonal Championships sa Vietnam noong 2009.
Nagtapon naman si Buenaventura ng PAF-HyperSports ng hagis na 3.75m sa women’s pole vault upang ibulsa ang gold medal.
Umagaw ng eksena si Erika Hanna Sia ng Baguio City sa women’s discus throw matapos magtapon ng layong 32.37m at ungusan ang kakamping si Jhansel Udaundo (28.80) at Jade Marie Recto (26.42) ng Cebu City.
Sa dancesports event sa Lamberto Macias Coliseum, inangkin nina German Enriquez at Ma. Danella Renee Publico ng National Capital Region ang gold medal sa amateur elite standard.
Ibinigay naman nina Michael Angelo Marquez at Stephanie Sabalo ang ikalawang ginto ng NCR nang dominahin ang amateur elite latin.