MANILA, Philippines - Sinadalan ng UST ang lakas nina Judy Caballejo at Maruja Banaticla sa deciding fifth set upang pawiin ang pagkawala ng 2-0 kalamangan tungo sa 25-11, 25-17,23-25, 21-25, 15-8 panalo sa pagbubukas ng semifinals sa 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Umabot sa isang oras at 44 minuto ang tagisan at ang Lady Tigresses ay nakabangon sa upset axe na hatid ng Lady Stags dahil na rin sa anim na hits na ginawa nina Caballejo at Banaticla na nagbigay ng 13-6 bentahe.
“Nakahabol sila dahil nawala sa play ang team at lumambot ang depensa kay (Jeng) Bualee,” wika ni UST coach Odjie Mamon.
Pinangatawanan din ng nagdedepensang Ateneo ang pagiging top seed sa Final Four nang kunin ang 31-29, 25-20, 25-19 panalo sa kinapos na Perpetual Help sa isa pang laro.
Kumawala ng pinagsamang 29 hits sina Alyssa Valdez at Phee Nok Kesinee habang siyam na hits ang ginawa ni Jorella de Jesus para manalo ang Lady Eagles sa larong umabot ng isang oras at 17 minuto.
Si Bualee ay gumawa ng 34 hits at karamihan rito ay ibinagsak sa ikatlo at ikaapat na sets na kung saan nakatabla pa ang Baste.
Nanguna sa nagbabalik na 6-time champion sa ligang inorganisa ng Sports Vision katuwang ang Shakey’s Pizza si Caballejo sa kanyang 17 kills tungo a 19 hits habang si Banaticla ay mayrooong 13 hits.
Ang dating MVP na si Mary Jean Balse ay may 12 kills at 6 blocks tungo sa 18 puntos habang 14 ang hatid ni Thai import Kaensing Utaiwan.
Umangat ang UST at Ateneo sa 1-0 sa maigsing best-of-three series at magkakaroon sila ng pagkakataon na umabante na sa Finals sa ligang may ayuda rin ng Accel at Mikasa kung manalo uli sa Martes.
Si Analyn Benito ay mayroong 14 hits pero siya lamang ang ikalawa at huling manlalaro ng Baste na may doble pigura at ito ay ininda ng koponan sa kabuuan ng labanan.
Ang larong ito kasama ang main game sa pagitan ng Ateneo at Perpetual Help ay mapananood ngayong alas-7 ng gabi sa AKTV-13.