Pinoy Pride XVI mapapanood sa Pay Per View at video streaming
MANILA, Philippines - Magkakaroon ng pagkakataon ang mga Pinoy na nasa ibang bansa na mapanood ang Pinoy Pride XVI dahil ipapalabas ito sa video streaming at Pay Per View.
Live na mapapanood ang laban sa Balls HD PPV sa mga The Filipino Channel Territories habang ang video streaming ay sa TFC.
Ang mga mahihilig sa boxing sa bansa ay makakapanood naman ng laban sa Channel 2 mula alas-10 ng umaga sa Hunyo 3 at ang replay naman ay ipalalabas sa Studio 23.
Handog ng ALA Promotions katuwang ang ABS-CBN Sports, ang bakbakan ay gagawin sa Hunyo 2 sa Resorts World Hotel at tampok na laban ay sa pagitan nina Donnie Nietes at Felipe Salguero para sa hawak ng una na WBO light-flyweight title.
Pero masisiyahan ang mga manonood ng live dahil sa mga mauunang fight cards na pawang mapupuno din ng aksyon.
Isa rito ay ang laban sa pagitan ng walang talong si Milan Melindo, hawak ang 26-0, 10KOs, laban kay Jesus Geles ng Colombia para sa WBO international flyweight title.
Ang 24-anyos na si Geles ay may 13-2-1 karta kasama ang 5KO at beterano ng world title fight para sa WBO light flyweight title.
Hindi naman natitinag si Milendo na handang ipakita uli ang husay sa ring na kanyang pambawi sa kakulangan ng power sa mga pinakakawalang suntok.
Ang isa pang papanoorin ay ang tagisan sa pagitan nina Genesis Servania at Genaro Garcia ng Mexico.
- Latest
- Trending