Servania-Garcia fight mas matindi
MANILA, Philippines - Bukod sa main event sa pagitan nina WBO light-flyweight champion Donnie Nietes at Mexican Felipe Salguero, isa sa kasasabikan ay ang undercard sa pagitan nina Genesis Servania kontra kay Genaro Garcia ng Mexico.
Ang laban ay kasama sa Pinoy Pride XIV sa Hunyo 2 sa Resort World Hotel and Casino at tiyak na eksplosibo ang bakbakan dahil parehong may misyon ang magtutuos na boksingero.
Ang 20-anyos na si Servania ay magbabalak na maisulong ang walang talong karta na 17-0, kasama ang 5 KO, laban kay Garcia upang maibulsa rin ang nakatayang bakanteng WBC International Silver super bantamweight title.
Hindi naman magiging madali ang hangaring ito ng Cebuano pug dahil si Garcia ay nagbabalak na ibangon ang puri na nadungisan ng isang impostor ang pumunta sa Pilipinas at inilampaso ni Rey “Boom Boom” Bautista sa huling Pinoy Pride na handog ng ALA Boxing Promotion at suportado ng ABS-CBN.
Si Garcia ay edad 34-boksingero pero sukat na ang kanyang kahusayan dahil napalaban na siya sa world titles sa WBC bantamweight, IBF bantamweight, WBC super bantamweight, at WBO Latino super bantamweight divisions.
Hindi man pinalad, ang mga karanasang nakuha ay magagamit niya para patikimin ng unang kabiguan si Servania at isantabi ang di magandang pangyayari sa huling promotion ng ALA.
- Latest
- Trending