US Open dinomina ng mga Pinoy

MANILA, Philippines - Lumutang uli ang husay ng mga Pinoy sa larong bilyar nang angkinin nina Dennis Orcollo, Francisco Bustamante at Alex Pagulayan ang unang tatlong puwesto sa idinaos na 4th US Open 10-ball Cham­pionship na natapos kahapon ng umaga sa Riviera Hotel at Casino sa Las Vegas, Ne­vada.

 Hiniya ni Orcollo ng Bugsy Promotions si Bustamante sa Final, 11-5, upang sungkitin ang unang gantimpala na $15,000.

Ito ang ikalawang sunod na panalo ng tubong Bislig, Surigao del Sur dahil dinomina niya muna ang 3rd Annual Hard Times 10-Ball Open noong Mayo 4 hanggang 6 na kung saan ang tinalo nito ay ang tiniti­ngalang manlalaro ng US na si Shane Van Boening kaya’t mataas ang kumpiyansa ni Orcollo sa torneong ito.

 Bago ang finals ay kinalos muna ni Orcollo si Pagulayan sa dikitang 9-8 panalo sa semifinals. Ang iba pang sinibak ng PSA Co-Athlete of the Year awardee para sa nagdaang taon ay sina Oscar Dominguez ng Mexico, Kostas Paspatis ng Greece, Mike Dechaine at Manny Chau ng UAE at Rain Chiang ng Chinese Taipei.

“I want to show through my actions that athletic excellence can be achieved with dedication, hard-work and support,” wika ng dating WPA number one player ng mundo na naiakyat din ang premyong napanalunan matapos ang limang buwan sa $23,850.

Show comments