18 gold nakataya sa 2nd Nikki Coseteng Cup
MANILA, Philippines - Pagkakataong umani ng atensyon ang ibinibigay sa may 300 manlalangoy na kasali sa 2nd Nikki Coseteng Swimming Championships na bubuksan ngayong umaga sa Rizal Memorial Swimming Pool.
Dalawang araw magaganap ang nasabing kompetisyon na inorganisa ng Philippine Swimming League at Diliman Preparatory School at may 18 ginto ang paglalabanan ngayon sa iba’t ibang age groups.
Ang mga kalahok ay hinati sa mga age groups mula 10-under hanggang 18-over at ang mga lalabas na mahuhusay o makakaabot sa mga itinalagang qualifying times ay masasama sa listahan ng mga sasanayin para makonsidera sa paglahok sa 2013 World University Games swimming event sa Kazan, Russia.
“Ito ang ikalawang tryouts na aming isinasagawa para makuha ang pinakamahuhusay na swimmers na ilalaban sa World University Games. Ang mga mapipili ay sasanayin sa loob ng isang taon para makapagbigay sila ng magandang laban,” ani Coseteng.
Maisasagawa uli ang kompetisyong ito dahil na rin sa suporta ng Philippine Sports Commission (PSC) na pinangungunahan ni chairman Ricardo Garcia na pumayag na ipagamit ang pool kahit hindi kinikilala ang PSL ng PASA o ng POC.
- Latest
- Trending