LINGAYEN, Pangasinan, Philippines -- Ganap nang nakamit ng National Capital Region ang kanilang pang walong sunod na secondary general championships sa 2012 Palarong Pambansa dito sa Narciso Ramos Sports and Civic Center.
Ito ay mula na rin sa kanilang pagdomnina sa swimming competition sa pangunguna ni Axel Toni Ngui .
Tumapos ang 18-anyos na si Ngui na may pitong gintong medalya matapos pagharian ang paborito niyang 200-meter freestyle kasunod ang pag-akay kina Joseph Ventinilla, Samuel Ongjoco at Ralph Kevin Claveria sa pamamahala sa 400-meter freestyle relay.
Ang 6-foot-1 na NCR pride ang tinanghal na Most Outstanding Athlete.
Nauna nang nagbida si Nqui sa 100m at 400m freestyle at sa 100m backstroke at 400m medley relay.
"I'm glad I reached my target of seven gold medals, I'm like in cloud nine," sabi ni Ngui na kasalukuyang kumukuha ng kursong Life Science sa Ateneo De Manila University.
Ginto rin ang ibinigay ni Catherine Bondad, isang 13-anyos na San Beda-Alabang freshman at dating two-time Most Outstanding Athlete.
Nagreyna si Bondad sa women’s 200m at tinulungan naman sina Paula Cavanan, Claire Anne Galang at Thea Caluma sa pag-angkin sa ginto sa 400m freestyle.