Sa pagkakataong ito, kaisa ako ng Philippine Sports Commission.
Hindi ko maintindihan kung bakit alumpihit ang mga National Sports Associations (NSAs) na ipadala sa Russia ang kanilang mga atleta upang libreng makapagsanay sa modernong mga pasilidad at sa ilalim ng ilang mahuhusay na coaches at trainers.
Kamakailan ay nakipagkasundo ang Philippine Sports Commission (PSC) kay Russian sports minister Vitaly Mutko sa pamamagitan ng isang Memorandum of Understanding (MOU) na pinapayagan ang mga Filipino athletes na pumunta ng Russia upang doon ay magsanay. Pinirmahan nina Garcia at Mutko ang MOU sa Association of National Olympic Committees (Anoc) executive council meeting noong nakaraang linggo sa Russia.
Kasama sa kasunduan ay ang paggamit ng ultra modern na pasilidad at mga equipment, bukod pa sa sasailalim ang mga Filipino athletes at coaches sa ilalim ng pinakamahuhusay na coaches at trainers. Kilala ang Russia sa isa sa pinakamahuhusay na bansa pagdating sa sports.
Bukod sa pagsasanay ng mga atleta at coaches, inaasahang magkakaroon din ng palitan ng mga ideya at programa sa iba’t ibang aspeto ng palakasan lalo na sa sports medicine kung saan malaki ang angat ng Russia,
Pamoso ang bansang Russia sa gymnastics, pero mahusay din sila sa combat sports kasaman na ang judo, wrestling, boxing, shooting at weightlifting.
Inihayag ni Garcia na handa na ang Russia para iimplementa ang programa, pero ang problema ay walang takers na NSAs. Bantulot ang mga NSAs na sanayin ang kanilang mga atleta at coaches sa Russia.
Sayang ang oportunidad na ito kung mauuwi lamang sa wala.
Dapat ay intindihin ng NSAs na lahat ng maaari nating mapulot na ikahuhusay ng ating mga coaches at atleta, at maging ang mga programa natin sa sports, ay dapat nating sunggaban.
Kinakailangan ng mga NSAs lalo na yaong siguradong magbebenepisyo sa kasunduan, ang subukan muna ang progama bago husgahan ang kahihinatnan nito. May ilan kasi na nagdududa kung ano ang kapalit ng naturang kasunduan, may ilan naman na natatakot na baka hindi na umuwi ang kanilang mga atleta, at may ilan na hindi naniniwala sa husay ng Russian sports discipline.
Sana naman ay iwaksi muna ng NSAs ang kanilang mga agam- agam.
Sunggaban na ang pagkakataong ito upang mas umunlad pa ang ating mga atleta at coaches.