Lady Bulldogs, Knights kailangang manalo
MANILA, Philippines - Apat na koponan na hindi pa nakakatikim ng panalo ang magtatangkang buhayin ang malamig na kampanya sa pagpapatuloy ngayon ng 9th Shakey’s V-League na handog ng Smart sa The Arena sa San Juan City.
Ang National University at Letran na parehong talunan sa kanilang unang dalawang asignatura ay nahaharap sa must-win games para umusad sa quarterfinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at suportado ng Shakey’s Pizza.
Kalaban ng Lady Bulldogs ang Southwestern University sa alas-2 ng hapon bago sumunod ang Lady Knights na susukatin ang husay ng University of St. La Salle Bacolod.
Ang mga Visayan teams ay hindi rin pinalad sa kanilang unang mga laro nang matalo ang Lady Cobras sa FEU sa straight sets habang yumukod ang Lady Stingers sa San Sebastian sa apat na sets na noong Martes.
Dahil sa panalo ng Lady Stags, sila ang unang koponan na nakapasok na sa quarterfinals nang sungkitin ang ikatlong sunod na tagumpay sa Group B sa palarong suportado rin ng Accel at Mikasa.
Magtatangka naman ang nagdedepensang Ateneo na maging ikalawang team na makausad na sa quarterfinals sa pagbangga sa NCAA champion Perpetual Help sa tampok na laro sa triple-header game dakong alas-6 ng gabi.
May 2-0 karta ang Lady Eagles na sasandal sa husay nina Fille Cainglet, Alyssa Valdez at Thai import Phee Nok Kesinee.
Si Cainglet ang bumabandera sa laban ng Ateneo nang magtala ng pinagsamang 30 hits sa dalawang naunang sagupaan.
Sina Sandra delos Santos, April Sartin at Thai import Pornpimol Kunbang ang mga panapat ng Lady Altas sa Eagles.
- Latest
- Trending