MANILA, Philippines - Kung muling hindi mapaplantsa ang banggaan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather, Jr. sa Nobyembre ay maaaring isulong ng Top Rank Promotions ang ikaapat na paghaharap ng Filipino boxing superstar at ni Juan Manuel Marquez.
“If Floyd Mayweather, Jr. is not available to fight Pacquiao this November, then we’ll do the Pacquiao-Marquez fight, ” sabi kahapon ni Bob Arum ng Top Rank sa panayam ng Examiner.com.
Tatlong beses nang nababasura ang negosasyon para sa Pacquiao-Mayweather mega-fight mula sa isyu sa prize money hanggang sa pagsailalim sa isang Olympic-style random drug testing.
At nang hindi matuloy ang pakikipagkita kay Pacquiao, pinili ni Mayweather na hamunin si WBA light middleweight titlist Miguel Cotto sa Mayo 5 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Nagsagupa naman ang 33-anyos na si Pacquiao at ang 38-anyos na si Marquez nang tatlong beses kung saan nanalo ang Sarangani Congressman sa kanilang huling pagtatagpo via majority decision noong Nobyembre 12, 2011.
Umaasa si Arum na patuloy pa ring lalaban si Filipino world eight-division champion matapos magdepensa ng kanyang WBO welterweight crown kontra kay Timothy Bradley, Jr. sa Hunyo 9 sa MGM Grand.
May nagsasabing kakandidato si Pacquiao bilang Gobernador ng Sarangani sa 2013.
Isang two-hour training sa kanyang MP Tower sa Maynila ang ginawa kahapon ni Pacquiao.
Idinepensa ni Pacquiao ang kanyang paglipat sa PDP-Laban ni Vice President Jejomar Binay mula sa Liberal Party ni Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.
“Kung hindi ka tanggap dun sa kabila bakit mo ipagsisiksikan ang sarili mo?,” sabi ni Pacquiao.
Sa kabila ng kanyang paglipat ng political party, sinabi ni Pacquiao na susuportahan pa din niya ang mga programa ni Pangulong Aquino.