Dutch team nasa bansa na para masanay sa mainit na klima
MANILA, Philippines - Ipinaramdam ng Dutch Global Team ng Netherland ang naising magkaroon ng magandang resulta ang paglahok sa 2012 Le Tour de Filipinas nang dumating ito kahapon.
Ang aksyon ay upang masanayan nila ang mainit na klima na bumabalot ngayong tag-araw sa bansa na siyang inaayawan ng mga dayuhan.
“The Dutch Team wanted to sort of acclimatize early that’s why they booked an early flight,” wika ni Gary Cayton, ang pangulo ng Dynamic Outsource Solutions, Inc. (DOS-1) na siyang organizers ng apat na araw na karera na handog ng Air21 sa pakikipagtulungan sa Smart.
Idinagdag pa ni Cayton na ang sampung iba pang dayuhang koponan ay inaasahang magdaratingan na upang mapaghandaan ang pagsisimula ng LTDF sa Sabado.
Ang mga bisitang koponan ay pangungunahan ng mga continental teams na CCN na mula rin ng Netherlands, Aisan Racing Team ng Japan, OCBC ng Singapore, Uzbekistan Suren ng Uzbekistan, Action ng Chinese-Taipei at Tabriz Petrochemical (TPT) ng Iran.
Kasali rin ang mga club teams na Plan B ng Australia, Colossi Miche ng Indonesia, Pure Black ng New Zealand at Indonesia National team.
Ang naunang nagpasabi na lalahok na Giant Kenda RTS na continental team mula Chinese -Taipei ay hindi na matutuloy ang pagsali. Hahamunin ang mga dayuhang ito ng mga local teams na Go21, Mail And More, Smart-PhilCycling National team, American Vinyl/LPGMA at Kia.
May ayuda rin ang WetShop, Maynilad, Nague Malic Magnawa & Associates Customs Zbrokers, Wow Videoke, UBEMedia, IWMI, Airphil Express at dzRH, may kabuuang 520-kilometro ang kabuuan ng distansyang tatahakin at ang Stage One ay isang 155-km karera mula Sta. Ana Cagayan hanggang Tuguegarao City.
Ang ikalawang araw ay isang 110-kms lakbayin mula Tuguegarao hanggang Cauayan City habang ang Stage three ay mula Cauayan City hanggang Bayombong City na aabot na 102km.
Bukod sa 153-km ang kabuuang ruta, masusukat din ang tibay ng mga kasali sa dalawang matatarik na ahunan na tinaguriang Northern Alps sa Cordilleras.
- Latest
- Trending