Patriots lalapit sa semis
MANILA, Philippines - Lumapit pa sa asam na puwesto sa semifinals ang balak ng AirAsia Philippine Patriots sa pagharap uli sa Bangkok Cobras sa 3rd AirAsia ASEAN Basketball League (ABL) ngayon sa Chulalongkorn University sa Bangkok.
Ang laro ay itinakda sa alas-7 ng gabi at ang Patriots ay magnanais na walisin ang tatlong pagkikita nila ng expansion team ng Thailand.
Unang humirit ng 86-58 at 80-72 dominasyon ang tropang pag-aari nina Mikee Romero at Tony Boy Cojuangco at ipinalalagay na patuloy na magdodomina sa larong ito.
Kung manalo ay hahagipin ng Patriots ang ikaanim na sunod na panalo ika-13 panalo na sapat na para matiyak ang playoff spot para sa puwesto sa semifinals.
Ang Cobra ay mayroong 5-8 baraha at kailangang makuha ang labang ito upang tumibay ang paghahabol para sa puwesto sa Final Four.
Sa ngayon ay nasa ikalimang puwesto ang koponan at kapos ng dalawang panalo sa Indonesia Warriors na nasa ikaapat na puwesto sa 7-8 baraha.
“Mahalaga rin ang larong ito para sa kanila at gagawin pa sa kanilang lugar kaya hindi kami puwedeng magkumpiyansa. It’s gonna be business as usual for our team,” wika ni Glenn Capacio.
“We are nearing the playoff round and we can’t afford to relax. We have to maintain our tenacity and go to the playoff round with a positive mode,” ani team manager Erick Arejola.
Si Anthony Johnson na siya ngayong leading scorer ng liga sa kanyang 24.3 puntos, bukod pa sa 7.8 rebounds at 2.6 assists ay makikipagtulungan uli kay Nakiea Miller na naghahatid ng double-double na 16.2 points at 11.9 rebounds, 2.6 blocks at 1 assists.
Ang suporta ay manggagaling sa mga local players na sina Al Vergara, Francis Adriano, Aldrech Ramos at Reed Juntilla.
Sa kabilang bansa, ang Cobras ay huhugot ng puwersa mula sa mga manonood para makaisa sa Patriots at tapusin din ang dalawang dikit na kabiguan na nalasap sa kamay ng San Miguel Beermen (78-86) at Indonesia Warriors (67-74).
- Latest
- Trending