Alcano pinayukod ni Chang sa 2012 PBB Face-Off Series
MANILA, Philippines - Nakatakas si Taiwanese cue artist Chang Yu Long kontra kay Filipino Ronato Alcano para sa top prize ng Philippine Bigtime Billiards Face-Off series noong Sabado ng gabi sa Airport Pagcor Casino sa Parañaque City.
Nakuha ni Chang ang dalawang magkasunod na racks para igupo si Alcano, 9-7, sa race-to-9 event .
Nakamit ni Chang ang premyong $5,000, habang nagkasya naman si Alcano sa $2,500 sa winner's break format na pinamagatang Philippines versus Asia.
Ang nasabing panalo ay nagdala din sa Team Asia para kunin ang 4-3 series lead kontra sa Team Philippines.
Itinala ni Chang ang 5-2 abante matapos niyang maisargo ang tatlong sunod na racks.
Subalit umaahon mula sa nasabing pagkalubog si Alcano matapos niyang mailapit sa 4-5 ang iskor.
Inangkin ni Chang ang dalawa sa tatlong racks para sa kanyang 7-5 lamang. Nagawa pang makatabla ni Alcano sa 7-7 sa 14th frame bago kunin ng Taiwanese ang dalawang nalalabing racks patungo sa tagumpay.
Noong Marso 24 ay giniba ni Francisco ‘Django’ Bustamante si Taiwanese Yang Ching-shun, 9-3, para itabla ang Team Philippines sa Team Asia, 3-3.
Magpapatuloy ang PBB Face Off series sa banggaan nina Liu Hai Tao ng China at Alex Pagulayan sa Abril 14; si Liu kontra kay Dennis Orcollo sa Abril 21; at si Fong Pang Chao ng Chinese-Taipei katapat si Lee Vann Corteza sa Abril 28.
- Latest
- Trending