Suzuki Cup U-23 hahataw sa Dumaguete
MANILA, Philippines - Magsisimula bukas (Marso 18) ang unang leg ng 2012 PFF Suzuki Cup National Men’s Under 23 Championship sa Dumaguete City.
Ang kompetisyon ang siyang pangunahing grassroots program ng Philippine Football Federation (PFF) upang tumuklas ng mga bata at mahuhusay na manlalaro na puwedeng hugutin para sa bubuuing U23 national team na ilalaban sa 2013 SEA Games sa Myanmar.
Matapos ito, ang Mindanao ang sunod na magdaraos ng regional eliminations sa Marso 25 habang sa Abril 1 naman ang tagisan sa Luzon na gaganapin sa Calamba, Laguna.
Di tulad sa naunang edisyon na tumagal lamang ng tatlong buwan, aabot sa isang taon ang tagisan ngayon dahil sa pagpapakawala ng P12 milyon ng Suzuki Philippines.
May 33 member associations ang PFF at ang mga ito ay sasali sa torneo.
Para masulit ang paglahok ang bawat teams ay makakapagdaos ng home game upang mabigyan ng pagkakataon ang kanilang mga tagahanga na mapanood ang mga iniidolo at makaengganyo pa ng manlalaro.
Sampung koponan na magmumula sa Luzon (3) Visayas (3) at Mindanao (4) ang aabante sa national championships na paglalabanan sa 2013.
Ang Bacolod ang siyang nagdedepensang kampeon at si Joshua Beolya ang siyang nadiskubre sa torneo at nasama sa national team na naglaro sa 26th SEA Games sa Indonesia.
- Latest
- Trending