MANILA, Philippines - Inaasahang aabot sa 5,000 mahihilig sa sudoku ang maglalaban-laban sa 7th Philippine Sudoku Super Challenge (PSSC) sa Oktubre sa SM Supermalls.
Ang lalabas na national champions sa tatlong katergorya na Sudoku Grand Masters (pros), Sudoku Wizard (secondary) at Sudoku Whiz Kid (elementary) ang kakatawan sa malalaking torneo sa sudoku sa labas ng bansa.
Sa pormal na paglulunsad ng torneo kahapon, inihayag ni Mathematics Trainers’ Guild Philippines (MTGP) president Dr. Simon L. Chua na idaraos ang regional eliminations sa Oktubre 14 sa piling SM Malls sa Luzon, Visayas, Mindanao at NCR.
Ang mananalo rito ay aabante sa National Finals na itinakda sa Enero 27, 2013 sa SM North Edsa Annex.
Naniniwala ang organizers na maraming mahuhusay sa laro ang lulutang upang magpatuloy ang ginagawang magandang resulta ng mga panlaban sa mga naunang international tournaments.
Isa sa ipinagmamalaki ng MTG Philippines ang tubong Pangasinan na si Sarah Jane Cua na nagkampeon sa Grand Master noong 2010 at nakapagdomina rin sa mga nilahukang torneo sa labas ng bansa tulad ng BRAND’S Sudoku Challenge sa Singapore.
Maliban sa biyahe, ang hiniranging kampeon sa tatlong dibisyon ay tatanggap din ng P60,000, P50,000 at P20,000 unang gantimpala.