Bautista naisahan
MANILA, Philippines - Iisang pangalan ngunit magkaibang boksingero.
Bago pa man magpalitan ng suntok sina Rey “Boom-Boom” Bautista at Genaro Garcia ay nalaman ng ALA Promotions na ibang Mexican fighter ang lalaban sa Filipino pride sa Tagbilaran, Bohol kamakalawa ng gabi.
Ang tunay na Genaro Garcia, nakatakda sanang sagupain ni Bautista, may 32-2-0 win-loss-draw ring record, ay may palayaw na ‘Poblanito’ at nagdadala ng 38-8-0. Siya din ay lumalaban sa featherweight division kagaya ng 25-anyos na si Bautista.
Ang Genaro Garcia na dumating sa bansa mula sa Mexico at nagpakita sa official weigh ay kinilalang si ‘Panterita’ at may 10-11-0 card at siya ay kumakampanya sa lightweight class.
Ngayon ay hinahanap na ng World Boxing Council (WBC) ang manager/matchmaker na nagpadala sa pekeng Genaro Garcia para labanan si Bautista.
Sumobra rin ang pekeng Garcia sa 128-pound featherweight limit matapos tumimbang ng 132 pounds kumpara sa 127.5 pounds ni Bautista.
Ibinunyag din ni WBC president Jose Sulaiman na si Garcia ay hindi si ‘Poblanito’ at pinapahanap na niya si Hugo Correa.
Inamin ng Mexican boxer na kinausap ni Correa ang kanyang manager para sagupain si Bautista.
Sa www.boxrec.com <http://www.boxrec.com/> , apat na boksingerong may pangalang Genaro Garcia ang nasa talaan ngunit may magkakaibang palayaw at lumalaban din sa magkakaibang weight category.
At dahil sa kaganapan, agad na ipinaalam ni Tony Aldeguer ng ALA Promotions sa publiko ang pagbabalik ng mga tiket na naibenta na para sa naturang laban.
- Latest
- Trending