Biado hari ng Green Garden 9-Ball Open
MANILA, Philippines - Tinalo ni Carlo Biado ang kababayang si Roberto Gomez, 11-5, upang hiranging kampeon sa 2012 Green Garden 9-Ball Open na pinaglabanan sa Green Garden Hotel, Kuta Beach sa Bali, Indonesia.
Umabot sa 128 ang manlalarong nagtagisan sa kompetisyong ginawa mula Pebrero 23 hanggang 26 at naiuwi ng 28-anyos na si Biado na dating caddie, ang unang gantimpala na $6,500.
Si Gomez na tulad ni Biado ay mula sa Bugsy Stable, ay nakontento sa gantimpalang $2,500.
Ito ang unang malaking panalo na nakuha ni Biado sa taong ito matapos mangibabaw ang tubong La Union na bilyarista sa 2011 BSCP National Pool Championships noong Nobyembre.
Ang iba pang Pinoy na sumali sa torneo ay sina Jeffrey de Luna, Jundel Mazon at Rodrigo Geronimo.
Si Dennis Orcollo na pararangalan ng Philippine Sportswriters Association (PSA) bilang isa sa kanilang Athletes of the Year ay hindi sumali at mas pinagtutuunan ang magaganap na tagisan nila ni Chang sa PBB Face Off Series sa Marso 10.
- Latest
- Trending