David dinamdam ang nakatakdang paglipat ni Lassiter
MANILA, Philippines - Ibinigay na ni Gary David kay PBA Commissioner Chito Salud ang desisyon kaugnay sa trade proposal sa pagitan ng Powerade at Petron Blaze sangkot sina Fil-Am rookie Marcio Lassiter, Nonoy Baclao at Rey Guevarra.
Sinabi kahapon ni David na wala siyang magagawa kung gusto ng Tigers na dalhin si Lassiter sa Boosters kapalit nina Baclao at Guevarra, ang 2010 No. 1 at No. 3 picks overall, ayon sa pagkakasunod, ng Air21.
“Iyong mga ganitong sitwasyon, wala na sa control ng mga players. Ang control lang ng mga players ay ‘yung paglalaro,” wika ni David.
Nakatuwang ni David si Lassiter, naglaro sa Smart Gilas-Pilipinas ni Serbian coach Rajko Toroman, sa paggiya sa Powerade sa championship series ng nakaraang 2011-2012 PBA Philippine Cup.
Natalo ang Tigers sa nagdedensang Talk ‘N Text Tropang Texters, 1-4, sa kanilang best-of-seven titular showdown.
Si Salud pa rin ang magdedesisyon kung papayagan niyang matuloy ang nasabing trade na kinasasangkutan nina Lassiter, Baclao at Guevarra.
Ang 2011 PBA No. 4 overall pick na si Lassiter ay nagposte ng mga averages na 16.9 points, 6.0 rebounds, 3.9 assists at 1.4 steals para sa Powerade sa nakaraang 2011-2012 PBA Philippine Cup Finals.
“Medyo nakakalungkot nga. Pero nasa table na ni Commissioner (Salud) ‘yung trade proposal kaya hindi pa natin alam kung ano ang mangyayari,” wika ni David kay Lassiter.
Sakaling aprubahan ni Salud ang trade proposal, maglalaro sina Baclao at Guevarra sa kanilang pangatlong PBA team matapos ang Air21 at Petron Blaze.
- Latest
- Trending