Bradley 'Dirty Fighter'

MANILA, Philippines - Huwag nating asahan na makikipagsabayan si Manny Pacquiao kay Timothy Bradley sa kanilang pag­tatagpo sa Hunyo 9 sa MGM Grand sa Las Vegas.

Sinabi ni Pacquiao na gagamitin ni Bradley ang kaluwagan ng boxing ring para iwasan siya.

“Tatakbo ‘yan,” sabi ni Pacquiao kahapon sa Wack Wack Golf and Country Club kung sa­an siya naglaro ng golf ka­sama si Filipino golf star Frankie Minoza.

Pumayag na si Pacquiao na labanan si Bradley at ang pirma na lamang ng American fighter ang kulang para tuluyan nang maselyuhan ang kanilang fight contract.

Ang Canadian adviser ni Pacquiao na si Mike Koncz ay inaasahang darating ngayon sa bansa mula sa United States dala ang kontrata na pipirmahan ni Pacman.

Tanging si Bradley na lamang ang natira sa mga ikinunsidera ng Top Rank para labanan ni Pacquiao.

Si Bradley ay inilarawan ni chief trainer Freddie Roach bilang isang ‘dirty fighter’ na gumagamit ng kanyang ulo at siko para manggulang.

“Madumi nga,” sabi ni Pacquiao sa naturang WBO light welterweight champion. “Napapansin ko nga. Gumagamit ng ulo,” dagdag pa ni Pacquiao kay Bradley.

Tangan ni Pacquiao ang 54-3-2 kasama ang 38 knockouts, habang dala ni Bradley ang 28-0 at may 12 knockouts.

“Mahirap magsabi kasi depende yan sa kalaban,” sabi ni Pacquiao. “Try natin.”

Samantala, naglaro ng golf kahapon si Manny Pacquiao sa Wack Wack Golf Course sa Mandaluyong City kasunod ang pagpirma niya sa boxing gloves para sa isang charitable cause.

Nahuli sa kanyang pang alas-7:30 ng umagang tee time ang Sarangani Congressman ngunit nagtagal naman siya sa naturang okasyon para makasama si golfing great Frankie Minoza at mga golf buddies na sina Eric Pineda, Jake Joson at Lito Camo.

Nagpustahan ang grupo ni Pacquiao at sinamahan sila ni Minoza sa kanilang kasiyahan.

“Pustahan sila eh. Pero hindi ako sumali,” wika ni Pacquiao, kinalimutan na ang pagsusugal sapul nang magbasa ng Biblia noong nakaraang taon.

 Matapos ito, pinangunahan naman ni Pacquiao ang awarding ceremonies para sa Pro-Am event kung saan siya sinamahan ni Wack Wack president Philip Ella Juico.

Pinirmahan ni Pacquiao ang mga boxing gloves bilang bahagi ng isang mini-auction na nakaipon ng P106,000 para sa mga Typhoon Sendong victims.

Show comments