MANILA, Philippines - Pangarap na mapalaban sa lehitimong world title ang magiging dagdag na inspirsyon ni Milan Melindo sa pagbangga sa beteranong Mexican challenger na si Juan Esquer ngayong gabi sa Waterfront Hotel and Casino sa Cebu City.
Unang pagdepensa ni Melindo sa hawak na WBO inter-continental flyweight title ang kanyang gagawin at itataya rin niya ang malinis na 25-0 karta laban kay Esquer na nakalaban na sa world title pero natalo kay Ivan Calderon ng Puerto Rico sa WBO light flyweight title.
“Hindi magiging madaling laban ito kaya talagang nagsanay ako nang husto,” wika ni Melindo.
Nagpahayag na rin si Esquer ng kanyang masidhing hangarin na patikimin nang unang kabiguan ang Filipino champion at tiwalang mangyayari ito dahil sa mas dekalidad na nakalaban niya sa kanyang boxing career.
Tinaguriang Pinoy Pride XI: Philippines vs The World na handog ng ALA Promotions at ABS-CBN, sina Melindo at Esquer ay madaling nalusutan ang weigh-in kahapon sa Event Center sa SM City Cebu at pumasok ang dalawa sa eksaktong 112 pounds timbang.
May iba pang Filipino boxers na mapapalaban sa mga dayuhan sa pangunguna ng knockout artist na si Lorenzo Villanueva laban sa Mexican fighter Diego “Tyson” Ledesma.
Ang iba pang kapanapanabik na laban sa pagitan ng Pinoy at dayuhan ay sina Mhar Jhun Macahilig laban kay dating world title challenger Kaichon Sor Vorapin ng Thailand; Joseph Von Minoza laban kay Yoo Shin Kim ng Korea; at Merlito Sabillo kontra kay Sofyan Effendi ng Indonesia.