MANILA, Philippines - Maghahabol ng puwesto sa London Olympics ang mga trap shooters ng bansa sa paglahok sa 12th Asian Shooting Championships sa Doha Qatar mula Enero 11 hanggang 22.
Sina Olympians Jethro Dionisio at Eric Ang kasama ni Hagen Topacio ang babandera sa trap delegation na magsisikap na makasali sa ikatlong sunod na edisyon ng Olympics.
Noong 2004 sa Athens ay si Dionisio ang kumatawan habang si Ang ang nasama sa 2008 Beijing Games at ang dalawa ay nasama dahil na rin sa wild card berths.
“We’re confident this time ay makakasali ang Pilipinas sa London Olympics matapos ang isang qualifying event. Ang unang tatlong shooters lamang ang magkakaroon ng slots pero malaki ang laban ng Pilipinas dahil halos lahat ng top shooters ay nakapasok na sa mga naunang qualifying tournaments,” wika ni Dionisio sa paglahok sa huling Olympic qualifying event sa shooting nang maging panauhin sa lingguhang SCOOP Sa Kamayan kahapon sa Padre Faura.
Aminado si Dionisio na hindi gaanong aktibo sa paglahok ang trap shooters pero patuloy silang nagsasanay at handa sila sa magaganap na torneo.
Ilalaban naman si Brian Rosario sa skeet event habang inaasahan din ang pagsali nina Nathaniel “Tac” Padilla at Jason Valdez sa pistol at air rifle events.
Ang delegasyon ay pinagtulungang pondohan ng Philippine National Shooting Association (PNSA) at Philippine Sports Commission (PSC).